Arestado ang 18-anyos na binatilyo na itinuturong nasa likod ng serye ng online bomb threats, target ang ilang pampubliko at pribadong paaralan sa bayan ng San Ildefonso, lalawigan ng Bulacan.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 3 (Central Luzon ) sa Kampo Crame, naaresto ang suspek kagabi sa Brgy. Hilera, sa bayan ng Jaen sa Nueva Ecija kasunod ng pinagsanib na operasyon San Ildefonso, Talavera at Jaen Municipal Police Stations.
Isinagawa ang follow-up at intelligence-driven operation matapos matukoy ang mga bomb threat na nai-post online noong July 20 at 21.
Nakumpiska sa suspek ang cellphone na pinaniniwalaang ginamit sa pagpapakalat ng mga banta.
Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 o Anti-Bomb Joke Law at Article 282 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Section 6 ng Cybercrime Prevention Act.
Nasa kustodiya na ng San Ildefonso MPS ang suspek, habang isasailalim sa technical at forensic examination ang cellphone para sa karagdagang imbestigasyon.