PFDA
Palalawakin ng pamahalaan ang Bulan Fish Port Complex (BFPC) sa Bulan, Sorsogon bilang bahagi ng pagpapalakas ng marine food supply chain sa Southern Luzon at mga karatig-lalawigan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang proyekto na target makumpleto bago matapos ang 2027.
Naglaan ang Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), ng P150 milyon para sa unang yugto ng proyekto ngayong taon, habang mangangailangan pa ng karagdagang P650 milyon para makumpleto ang mga susunod na yugto nito.
Kapag natapos ito, inaasahan magiging modernong fisheries at agri-logistics hub ang naturang fish port na may cold storage, blast freezers, flake ice facilities, smokehouses, fish-drying areas at iba pa.
Samantala, operational na ang 60-metric-ton ice plant sa Bulan na inaasahang makatutulong sa pagpapababa ng post-harvest losses, pagpapalakas ng fisheries value chain, at pagtaas ng kita ng mga mangingisda. | ulat ni Diane Lear