Mariing binatikos ng West Philippine Sea (WPS) Bloc ang panibagong panggigipit ng China Coast Guard laban sa mga tauhan ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal, na tinawag nilang isang hindi katanggap-tanggap na intimidation sa loob mismo ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Kabilang sa mga naglabas ng matinding reaction ay sina Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima na humiling ng matatag na aksyon mula sa pamahalaan.
Nagsasagawa lamang ng legal na misyon sa loob ng EEZ ang mga sundalong Pilipino nang sila ay salakayin ng China Coast Guard.
Sugatan ang isang miyembro ng Philippine Navy matapos paitutok at pukpukin ng batong gawa sa kahoy (wooden baton) sa ulo.
Iginiit naman ni De Lima na ang insidente ay isang “hayag na paglabag sa sovereign rights ng Pilipinas at sa batas pambansa.”
Binigyang-diin ng dalawang mambabatas na kailangang gamitin ng pamahalaan ang lahat ng diplomatiko at legal na hakbang upang ipagtanggol ang soberanya ng bansa, protektahan ang mga sundalo, at papanagutin ang mga nasa likod ng pag-atake.
Ibinahagi ni Diokno na inihain niya ang House Bill No. 1625 o ang West Philippine Sea Mandatory Education Act, kasama sina Akbayan Rep. Perci Cendaña at Dadah Kiram Ismula, Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, ML Rep. Leila de Lima, at Albay 1st District Rep. Cielo Krisel Lagman-Luistro.
Sa ilalim ng panukalang ito, isasama sa kurikulum ng mga paaralan ang: Kasaysayan ng hidwaan sa West Philippine Sea; Mga karapatang pandagat ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS); at Ang makasaysayang 2016 Arbitral Ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague. | ulat ni Melany Reyes