Photo courtesy of PNA / Robert Oswald P. Alfiler
Isinusulong ng Commission on Higher Education (CHED) ang mas malawak na access ng mga Pilipino sa de-kalidad na edukasyong pandaigdig, kasabay ng paghahanda sa mga pagbabagong dulot ng artificial intelligence at digital economy.
Ayon kay CHED Commissioner Dr. Michelle Ong, layunin ng transnational higher education program na hindi lamang mga piling estudyante ang makinabang sa pakikipagtulungan ng mga unibersidad sa Pilipinas at ibang bansa.
Kabilang sa kanilang estratehiya ang pagpapadala ng mga guro sa mga prestihiyosong unibersidad sa ibang bansa upang makakuha ng kaalaman at maibahagi ito sa mga paaralan sa Pilipinas.
Samantala, binigyang-diin din ni Ong ang kahalagahan ng paghahanda sa mga bagong kasanayang kakailanganin sa hinaharap.
Ayon sa kanya, 39% ng mga pangunahing kasanayan sa buong mundo ang magbabago pagsapit ng 2030.
Dahil dito, pinalalakas ng CHED ang capacity-building programs sa digital transformation, green economy at blue economy.
Bahagi rin ng kanilang hakbang ang pagpapatupad ng flexible AI policy na nagbibigay sa mga unibersidad ng kalayaang tukuyin kung paano maisasama ang artificial intelligence sa kanilang mga programa.
Bahagi ang naging talakayan kasabay ng ASEAN-UK Higher Education Week 2026 na ginanap sa Makati City bilang bahagi ng ASEAN Chairship ng Pilipinas ngayong taon.