Photo courtesy of Senate of the Philippines
Minungkahi ni Senadora Loren Legarda ang agarang paglalagay ng mga sistema ng pag-iipon ng tubig-ulan sa mga pampublikong paaralan bilang hakbang laban sa El Niño.
Nanawagan ang Senadora sa Department of Education (DepEd) at mga lokal na pamahalaan na maglagay ng mga imbakan ng tubig-ulan na magagamit sa paglilinis at sanitation ng mga eskwelahan, lalo na sa mga lugar na kulang ang suplay ng tubig.
Ayon kay Legarda, bagama’t inaasahang magpapatuloy ang El Niño hanggang unang bahagi ng 2027, dapat nang samantalahin ang mga pag-ulan sa ilang lugar para makapag-ipon ng tubig.
Para naman sa mga lugar na matindi na ang tagtuyot, iminungkahi niyang makipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan sa Bureau of Fire Protection (BFP) at mga water district para maghatid ng tubig sa mga paaralan.
Binigyang-diin ni Legarda na habang sinusuri ang kahandaan at pondo ng pamahalaan laban sa El Niño, dapat nang simulan ang mga praktikal na hakbang para maiwasan ang krisis sa suplay ng tubig.