Maglulunsad ang Department of Tourism (DOT) at Department of Transportation (DOTr) ng libreng sakay sa mga piling ruta sa Metro Manila bilang bahagi ng paghahanda ng Pilipinas sa ika-49 na ASEAN Summit.
Saklaw ng libreng sakay ang dalawang ruta: mula SM Fairview hanggang Buendia para sa North Route at mula Sucat hanggang Baclaran para sa South Route, na kapwa magkakaroon ng tig-15 jeepney.
Magsisimula ang operasyon alas-kuwatro ng madaling-araw hanggang alas-diyes ng gabi, kung saan magkakaroon ng walong one-way trips ang North Route at sampu naman sa South Route.
Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, layunin ng programa na maramdaman ng bawat Pilipino ang konkretong benepisyo ng pagho-host ng bansa sa ASEAN Summit.
Bukod sa pagbibigay ng libreng transportasyon sa tinatayang 12,500 pasahero kada araw, makikinabang din ang mga tsuper at iba pang manggagawa sa transportasyon dahil matitiyak ang kanilang kita sa panahon ng programa.
Itatampok din sa mga jeepney ang mga tanyag na pasyalan, kultura at festival sa Pilipinas bilang promosyon sa turismo ng bansa.
Samantala, binigyang-diin naman ni DOTr Undersecretary Mark Steven C. Pastor ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga Pilipino.