Photo courtesy of Senate of the Philippines
Nanawagan si Senadora Loren Legarda sa mga ahensiya ng gobyerno na sukatin at bawasan ang sarili nilang carbon emissions habang binubuo ang Philippine Carbon Market Policy Framework.
Ayon kay Legarda, dapat ding sumunod ang pamahalaan sa pamantayan ng pananagutan na inaasahan nito sa mga negosyo, kabilang ang pagsukat sa carbon footprint ng mga gusali, sasakyan at pang-araw-araw na operasyon ng mga ahensya.
Ang pahayag ay kasunod ng Executive Order No. 127 na inilabas noong October 13 na nag-uutos sa pagbuo ng mga patakaran at mekanismo para sa carbon market sa bansa.
Kaugnay nito, inihain din ang senadora ng Senate Bill No. 166 o ang panukalang Low Carbon Economy Act na naglalayong magtatag ng domestic emissions trading system.
Sa ilalim nito, magkakaroon ng limitasyon sa emissions ang mga saklaw na sektor at maaaring ipagpalit ang kanilang emissions allowances para mahikayat ang pamumuhunan sa mas malinis na teknolohiya.
Binigyang-diin ni Legarda na dapat ding makinabang ang mga komunidad na nangangalaga sa kagubatan mula sa kita sa mga proyektong naglalayong magbawas ng carbon emissions.
Dagdag pa niya,dapat may sapat na pondo, tauhan at malinaw na responsibilidad ang mga ahensya para masigurong maipatutupad nang maayos ang mga patakaran sa carbon market at hindi lang mananatili sa papel. | ulat ni Nimfa Asuncion