Nagbukas ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipinong nais matuto ng Artificial Intelligence o AI, cloud computing at iba pang digital skills.
Layunin nitong matulungan ang mga jobseeker, estudyante, manggagawa at maging ang mga guro na magkaroon ng mga kasanayang kailangan sa makabagong mundo ng trabaho.
Sa pakikipagtulungan sa STI College, Amazon Web Services o AWS, Google at iba pang technology partners, pinalalawak ng TESDA ang mga programa nito sa digital training.
Kabilang dito ang Data Collection and Annotation Level Two at AI Prompting for Automation Level Three na iniaalok sa pamamagitan ng scholarship training kasama ang STI College.
Ayon kay TESDA Secretary Kiko Benitez, mahalagang matiyak na walang Pilipinong maiiwan sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya.
Aniya, kailangang mabigyan ang mga mamamayan ng sapat na kaalaman at kasanayan upang makasabay sa pagbabago ng trabaho at mapakinabangan ang mga bagong oportunidad.
Maaari ring kumuha ng mga online course tungkol sa artificial intelligence at cloud computing sa pamamagitan ng TESDA Online Program o TOP.
Kabilang sa mga kursong iniaalok ang Fundamentals of AI, AWS Certified Cloud Practitioner at AWS Certified AI Practitioner. | ulat ni Aj Ignacio