Pinalawak ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon sa sinalakay na scam hub sa Pasay City.
Ito ay para matukoy ang mga lokal na indibidwal at grupong posibleng tumulong sa operasyon nito.
Inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na tukuyin ang mga financier, recruiter, facilitator, at iba pang posibleng kasabwat ng sindikato.
Nabatid na nabunyag ang scam hub matapos makatakas ang tatlong indibidwal na umano’y sapilitang pinagtrabaho sa loob ng pasilidad at nagsumbong sa mga awtoridad.
Sa isinagawang pagsalakay, 159 ang naaresto, kabilang ang 128 Indonesian. Tatlong dayuhan naman ang itinuturong utak ng operasyon: isang Chinese at dalawang Malaysian.
Nagpapanggap umanong pulis ang mga scammer at tinatakot ang mga biktima na may ilegal na droga sa parcel na nakapangalan sa kanila, bago sila hingan ng pera.
Kaya paalala ng PNP sa publiko, suriing mabuti ang bawat alok na trabaho at huwag magpadala sa pangakong “easy money.” | ulat ni Diane Lear