Kasunod ng alegasyong nakakapuslit umano ng Quezon City Jail si dating House Speaker Martin Romualdez, humarap ngayong araw sa Sandiganbayan 3rd Division sina QC Jail Male Dormitory Warden Supt. Maria Lourdes Pacion at medical officer na si Henry Fabro.
Sa pagdinig, mariing itinanggi ni Pacion ang alegasyong nakalalabas ng kulungan si Romualdez. Ayon sa kanya, mula nang dalhin ang mambabatas sa pasilidad noong September 14, nanatili lamang siya sa kanyang silid at paminsan-minsan ay lumalabas sa itinalagang open area. Pinabulaanan din niyang ipinupuslit ang mambabatas gamit ang ambulansya o anumang sasakyan.
Natalakay naman sa pagdinig ang pagkakaroon ni Romualdez ng personal staff sa loob mismo ng QC Jail.
Ayon kay Pacion, pinayagan niya ito dahil hindi pa rin stable ang mental condition ng mambabatas at hindi kayang maglaan ng BJMP ng tauhang nakatutok sa kanya 24-oras kada araw.
Samantala, inatasan ng Sandiganbayan ang BJMP na suriin ang lahat ng CCTV footage mula September 14 hanggang November 5 at magsumite ng ulat tungkol sa mga lugar sa loob ng kulungan na pinuntahan ni Romualdez.
Inatasan din si Pacion na isumite ang mga dokumento kaugnay ng operasyon at access logs ng CCTV, mga tala ng power interruption, logbook ng pagpasok at paglabas ng mga sasakyan, at pinakahuling medical report ni Romualdez.
Itinakda ng korte sa November 9, 2026, alas-8:30 ng umaga, ang pagsusumite ng mga naturang dokumento at ulat.