Sinabi ni House prosecutor at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na ang hirit ng Office of the Vice President (OVP) na hindi obligasyon ng Senate Impeachment Court ang pagkain at logistical expenses ng defense team ni VP Sara Duterte ay maaaring maglagay sa Senado sa panganib ng isang procurement case.
Ipinahayag ni Ridon ang kaniyang pahayag matapos hingan ng komento hinggil sa kahilingan ng Bise Presidente na ang Senado ang magbayad ng catering at iba pang pangangailangan ng kaniyang legal team sa gitna ng paglilitis.
Binigyang-diin ni Ridon, na siya ring pinuno ng House Committee on Public Accounts, na ang naging hakbang ng OVP ay tila lumagpas na sa isang karaniwang pakiusap dahil para na itong “demand”
Muling inulit ni Ridon na walang anumang legal o moral na obligasyon ang impeachment court na sagutin ang gastusin sa pagkain ng magkabilang panig.
Ipinaalala ng prosecutor na kapwa may nakalaang badyet ang dalawang kampo upang suportahan ang kanilang operasyon sa impeachment trial.
ipinauubaya na lamang ni Ridon sa pamunuan ng Senado kung paano nito pormal na tutugunan at pagdedesisyunan ang naturang hirit ng Bise Presidente. | ulat ni Melany Reyes