Minungkahi ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero sa depensa at prosekusyon sa Impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na ikonsedira ang pagtatalaga ng mga bagong tagapagsalita na hindi bahagi ng kani-kanilang legal teams.
Sa kasalukuyan kasi, ang tagapagsalita ng prosekusyon na si Atty. Benjamin Tolosa Jr. ay bahagi ng prosecution team habang si Atty. Michael Poa, na tagapagsalita ng defense team ay isa naman sa mga legal counsel ni Vice President Sara Duterte.
Pinaalala ni Escudero ang rule 18 ng impeachment court tungkol sa sub judice rule o ang pagbabawal sa magkabilang panig at mga testigo na magkomento sa publiko tungkol sa merito ng kaso.
Batid naman ni Escudero na naging maingat sina Atty. Tolosa at Poa sa mga public statements nila nitong mga nakalipas na araw.
Gayunman, sa pag-usad aniya ng paglilitis ay maaaring mahirapan ang mga abugado na tukuyin ang mga komento tungkol sa merito ng kaso at ang procedural observations o facts lang.
Giniit ni Escudero na babantayan ng impeachment court ang mga pahayag ng magkabilang panig.
Samantala, nilinaw naman ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na walang nasabi sa kanya si Escudero na maaaring pinagmulan o trigger ng naturang paalala sa defense at prosecution.
Ayon kay Tongol, friendly guidance lang ito mula sa Presiding Officer. | ulat ni Nimfa Asuncion