JV Ejercito
Tiniyak ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na hindi maaantala ang imbestigasyon ng Senado sa mga anomalya sa mga flood control project sa kabila ng nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ejercito, naghahanda na ang Office of the Ombudsman sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga sangkot sa iskandalo.
Aniya, walong tinawag niyang “congtractors” ang susunod na kakasuhan.
Giit ng senador, dapat ding mapanagot ang iba pang tunay na responsable, kabilang ang mga contractor at mga sinasabing nagpasimuno ng sistema ng alokasyon ng proyekto.
Matatandaang sinabi ng Ombudsman na magsasampa ito ng kaso laban sa hindi bababa sa walong miyembro ng Kamara na umano’y may conflict of interest sa mga flood control project.
Pinabulaanan din ni Ejercito ang mga pahayag na ginagamit ang impeachment proceedings para matabunan ang isyu ng flood control anomalies.
Binigyang-diin ng senador na magpapatuloy ang imbestigasyon at walang dapat makalusot sa paglustay ng pondo ng bayan.
Sinabi rin ng senador na habang isinasagawa ang impeachment trial, ipagpapatuloy ng Senado ang iba pa nitong tungkulin, kabilang ang pagtalakay sa panukalang 2027 national budget.
Bilang chairman ng Senate Committee on Finance, nangako si Ejercito na isusulong ang isang malinaw at may pananagutang proseso sa pagbuo ng badyet para matiyak na ang pondo ng taumbayan ay mapupunta sa mga programang tunay na pakikinabangan ng mga Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion