Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Camp Ricarte Station Hospital sa Puerto Princesa City ang personnel ng Philippine Navy na nasugatan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa Ayungin Shoal.
Personal na nagpasalamat si Pangulong Marcos sa kahanga-hangang kabayanihan nina Seaman First Class Underwater Operator Carmelo Abalie at Private Eric Lasida, makaraang magtamo ng injury ang mga ito matapos silang hampasin ng Chinese Coast Guard habang nagpapatrolya sa West Philippine Sea (WPS) nitong Lunes.
Sa pagbisitang ito, ginawaran ng pangulo ng Order of Lapu – Lapu ang dalawang miyembro ng Philippine Navy, bilang pagkilala sa buong tapang na pagtatanggol sa karagatan ng Pilipinas.
Bukod dito, binigyan sila ng tig-PhP100,000 na tulong pinansyal habang nagpapagamot.
Kasabay nito, ipinahayag ng Pangulo ang buong suporta ng pamahalaan sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na patuloy na nagtatanggol sa soberanya at karapatan ng bansa.
Ginagawa aniya ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang ihatid ang pangangailangan ng mga sundalo at siguruhin ang kanilang kaligtasan. | ulat ni Racquel Bayan