Mas ligtas na biyahe gamit ang mga eroplano—ito ang maaasahan ng mga air passenger sa bansa matapos ilunsad ang mga bagong simulator sa training center ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ayon sa CAAP, makatutulong ang mga bagong aerodrome, en route, at approach simulators para matiyak na kumpleto at masusi ang pagsasanay ng mga air traffic controller sa mga paliparan sa ilalim ng ahensya.
Mahalaga anila ang mga bagong simulator para mapalakas ang aviation safety, mapanatili ang mataas na antas ng operational readiness, at matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan ng International Civil Aviation Organization.
Ang paglulunsad ng mga bagong simulator ay pinangunahan nina Transportation Secretary Giovanni Lopez at CAAP Director General Lt. Gen. Raul Del Rosario.