Photo courtesy of ASEAN Facebook
Binigyang-diin ng Pilipinas ang kahalagahan ng mas matatag na pagtutulungan ng mga bansa sa gitna ng lumalalang pandaigdigang hamon sa pagbubukas ng 27th ASEAN Plus Three Foreign Ministers’ Meeting, kung saan sentro ng talakayan ang seguridad sa pagkain at enerhiya, katatagan ng ekonomiya, at sama-samang pagtugon sa mga krisis.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, walang bansa ang kayang harapin nang mag-isa ang mga pandaigdigang krisis. Aniya, nananatiling mahalagang mekanismo ang ASEAN Plus Three upang mapanatili ang katatagan ng rehiyon sa harap ng pagtaas ng presyo ng pagkain at enerhiya, pagkagambala sa supply chain, at iba pang hamon sa ekonomiya.
Samantala, nagbabala ang South Korea na maaaring lumala ang banta sa seguridad sa pagkain at enerhiya dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan. Gayunman, sinabi nitong pagkakataon din ito upang palakasin ang kooperasyon at bumuo ng mas konkretong hakbang para sa rehiyon.
Ipinunto naman ng China na ang kasalukuyang sitwasyon sa Gitnang Silangan ay nakaapekto na sa suplay ng pagkain at enerhiya, dahilan upang higit pang maging mahalaga ang sama-samang pagkilos ng mga bansa para mapanatili ang kapayapaan, katatagan, at katatagan ng ekonomiya sa rehiyon.
Inaasahang magsisilbing daan ang pulong upang higit pang mapalalim ang kooperasyon ng ASEAN at ng Plus Three partners sa pagtugon sa mga umiiral at paparating na hamon sa rehiyon.