Tinitingnan ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ₱5 billion increase sa budget ng Small Business Corporation o SBCorp, upang palakasin pa ang kapasidad ng lending arm ng DTI na makatulong sa mga lokal na negosyo.
Sa sidelines ng National Exporters’ Fair, sinabi ni DTI Secretary Ma. Cristina Roque na ang dagdag na pondo sa SBCorp ay makatutulong sa pagbibigay ng loans sa mga negosyo sa bansa, sang-ayon na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suportahan ang negosyanteng Pilipino.
Base sa naitalang datos mula SBCorp pumalo na sa 94,532 loan application para sa June 2026 ang natanggap nila habang sa kaparehong panahon ay nakapaglabas na sila nang papalo sa ₱32.45 billion na halaga ng loans.
Samantala, inilunsad na rin ng DTI ang Youth Enterprise Fund na may inisyal na budget na ₱1 billion.
Maaaring makapag-avail sa naturang loan ang business owners na may edad 18 hanggang 30 taong gulang na may 3-year loan term, at maaari silang makapag-loan ng aabot sa ₱30,000 hanggang ₱500,000 na may grace period na isang taon.