Binulabog ng pekeng ‘gun threat’ na kumalat sa social media ang Pasay East High School.
Sa report ng Pasay City Police, 8:00 AM ngayong Thursday nang makatanggap sila ng ulat ng pamamaril sa paaralan.
Agad namang nagpadala ng mga tauhan ang PNP sa Pasay East High School at, batay sa beripikasyon, negatibo ang eskwelahan sa umano’y pagpapaputok ng baril.
Sa pahayag naman ng Pasay City LGU, agad ipinag-utos ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pagpapaigting ng seguridad at kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng Pasay East High School.
Tiniyak din ng LGU na walang anumang banta sa seguridad at nagpapatuloy ang normal na klase sa paaralan.
Samantala, nananatiling nakabantay sa paaralan ang pulisya, DRRMO, at iba pang kasapi ng Pasay City Disaster Risk Reduction and Management Council.