Nangako ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na mas pinaigting na ang pagbabantay ng pulisya sa mga lugar na madalas puntahan ng mga dayuhang turista kasunod ng dalawang magkahiwalay na insidente na kinasangkutan ng mga dayuhan sa Parañaque City at Maynila.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher Abrahano ang katiyakan sa mga bisita na mabilis na kikilos ang pulisya laban sa mga indibidwal na nagsasamantala at nambibiktima ng mga turista.
Naglabas ng kautusan si PBGen. Abrahano kasunod ng insidente ng panghoholdap sa isang Korean national noong Oktubre 31 sa Parañaque City, kung saan nagpanggap umanong mga motorcycle taxi rider ang mga suspek upang mabiktima ang dayuhang bisita.
Naaresto ang isang 30-anyos na suspek mula sa Sta. Cruz, Maynila habang patuloy namang tinutugis ang dalawa pa nitong kasabwat.
Sa hiwalay na insidente, inaresto ng pulisya ang limang hinihinalang miyembro ng “Ativan Gang” sa Intramuros, Maynila, noong Linggo, Nobyembre 1, matapos mahuli ang isa sa kanila habang ninanakaw ang pitaka ng isang 28-anyos na Chinese tourist na kagagaling lamang sa pagsisimba sa San Agustin Church.
Inatasan ni PBGen. Abrahano ang mga kinauukulang yunit ng pulisya na ipagpatuloy ang mga follow-up operation laban sa mga natitirang suspek sa panghoholdap sa Parañaque at paigtingin ang presensya ng mga pulis sa mga tourist destination, simbahan, hotel, komersiyal na establisimyento, at iba pang lugar na karaniwang dinarayo ng mga dayuhan.
Muling iginiit ng hepe ng NCRPO na bahagi ng mas malawak na responsibilidad ng kapulisan ang pangangalaga sa mga turista upang mapanatili ang isang ligtas na kapaligiran para sa lahat, maging Pilipinong residente o mga dayuhang bisita.