Walang namomonitor na seryosong banta ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng 2026 ASEAN Summit na gaganapin sa bansa sa susunod na linggo.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., mababang antas lamang ng banta ang kanilang tinitingnan sa ngayon.
Gayunman, hindi aniya magpapakampante ang pulisya, lalo na’t inaasahang darating sa bansa ang mga lider ng mga bansang kasapi ng ASEAN.
Nakikipagtulungan naman ang PNP sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, lalo na ang mga lokal na pamahalaan kung saan gaganapin ang mga aktibidad ng ASEAN para matiyak ang seguridad.
Samantala, hindi pa nagtataas ng alert status ang PNP pero tiniyak na gagamitin nito ang buong puwersa para sa seguridad ng summit. | ulat ni Diane Lear