Photo courtesy of Paranaque National High School/Facebook
Upang mas mapalinang ang kasanayan sa agrikultura ng bawat mag-aaral sa lungsod ng Parañaque, inilunsad sa Parañaque National High School ang Greenhouse and Hydroponics Facility project.
Isinagawa ang proyekto sa pakikipagtulungan sa Department of Education o DepEd, Philippine Reclamation Authority o PRA.
Layunin nitong makatulong sa pagpapalakas ng seguridad sa pagkain at pagpapalaganap ng makabagong pamamaraan ng pagsasaka, partikular sa mga urbanong komunidad.
Sa pamamagitan ng greenhouse at hydroponics technology, inaasahang makapagtatanim ng sariwa at masustansiyang gulay kahit limitado ang espasyo at mas mapapakinabangan ang paggamit ng tubig.
Bukod dito, magsisilbi rin ang pasilidad bilang praktikal na lugar ng pagkatuto ng mga mag-aaral sa larangan ng agrikultura, agham, teknolohiya, pangangalaga sa kalikasan at pagnenegosyo. Inaasahan ding mahuhubog sa mga kabataan ang kamalayan sa responsableng paggamit ng likas na yaman at paghahanda sa epekto ng climate change.