Paiimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang pagkakaroon ng personal staff ni dating House Speaker Martin Romualdez sa loob ng New Quezon City Jail Male Dormitory.
Kasunod ito ng pag-amin ni Jail Warden Maria Lourdes Pacion sa pagdinig ng Sandiganbayan 3rd Division na may personal staff si Romualdez sa piitan, dahil umano sa pinagdadaanan nitong kondisyon sa mental health.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, hindi ito maaaring payagan dahil labag ito sa patakaran ng kulungan.
Maituturing din aniya itong “security risk” kung mapatutunayang totoo.
Babala ng Ombudsman, maaaring masibak sa serbisyo ang mga opisyal ng piitan, kabilang ang superintendent, kung mapatutunayang pinayagan nila ang ganitong setup.
Iginiit din ni Remulla na dapat pantay-pantay ang trato sa lahat ng nakakulong, at walang dapat makatanggap ng special treatment.