Photo courtesy of Senate of the Philippines
Posibleng harapin ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang mga kasong kriminal na grave threat at inciting to sedition.
Ito ang inihayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag nitong Miyerkules sa ginanap na paglilitis sa Senado.
Ito ang pahayag ng pinuno ng NBI kasunod ng mga tanong ni Senator-judge Panfilo Lacson ukol sa pagkaka-pareho ng mga banta ng magkapatid na sina Vice President Sara Duterte at Mayor Baste laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Punto ni Lacson, kapwa nagpahayag ang magkapatid na Duterte na gusto nilang putulin ang ulo ng Pangulo.
Inihayag din ni Matibag na pinag-aaralan ng NBI ang teorya ng “sabwatan” o conspiracy sa mga ginagawang pagbabanta sa buhay ng Pangulo.
Inamin ng opisyal na mas matagal at mas mahirap itayo ang kaso kapag conspiracy ang gagamiting argumento sa hukuman, kaya’t kinakailangan ng mas malalim na pinal na ebidensya.
Samantala, kinumpirma rin ni Matibag na ang naging “trigger point” o pumatok sa pagbuo ng NBI Special Task Force ay ang mismong “ulo” statement ni Mayor Baste.