Kabilang sa nakapaloob sa ruling ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero nitong Martes ang pagturing na ‘Withdrawn with Prejudice’ ang pagbawi sa Articles I at IV ng Impeachment Case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ibig sabihin nito, hindi na maaaring buhayin o muling isampa ang parehong mga paratang laban sa Bise Presidente sa kasalukuyang termino nito at sa kabuuan ng 20th Congress.
Matatandaang ang Article I ang tumutukoy sa alegasyon tungkol sa maling paggamit ng Confidential Funds habang ang Article IV ang tungkol sa alegasyon ng Grave Threat.
Binigyang-diin ni Escudero na seryosong prosesong konstitusyonal ang impeachment na kumukonsumo ng panahon at pondo.
Gayunman, nilinaw ng Presiding Officer na hindi ito nangangahulugang may immunity na si VP Sara laban sa posibleng kasong kriminal, sibil, administratibo, o iba pang paglilitis kaugnay ng mga naturang alegasyon.
Samantala, itinuring namang Withdrawn Without Prejudice ang Article III o alegasyon ng Bribery.
Paliwanag ni Escudero, hindi pa nakapaghain ng ebidensiya ang prosecution sa ilalim ng artikulong ito kaya ang epekto ng pagbawi ay limitado sa kasalukuyang impeachment trial.
Hindi na rin ito maaaring buhayin sa paglilitis na ito lamang.