Kasunod ng pagbawi ng prosecution sa Articles I, III, at IV ng Impeachment Case laban kay Vice President Sara Duterte, pinayagan na ng Impeachment Court ang magkabilang panig, kanilang mga abogado, at mga testigo na magsalita sa publiko tungkol sa mga alegasyon sa ilalim ng mga binawing artikulo.
Ayon sa ruling ni Presiding Officer Chiz Escudero, hindi na saklaw ng Sub-Judice Rule ang tatlong binawing artikulo dahil hindi na nakabinbin sa hukuman ang paghatol sa mga ito.
Dahil dito, maaari nang sagutin ni VP Sara sa publiko ang mga alegasyon at ipagtanggol ang kanyang sarili at reputasyon nang hindi na kailangang magharap ng ebidensiya sa Impeachment Court para sa mga naturang Articles of Impeachment.
Gayunman, nilinaw ni Escudero na mananatiling saklaw ng Sub-Judice Rule ang Article II na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth, dahil nakabinbin pa ito sa Impeachment Court.
Hindi rin nangangahulugan ang kautusan na maaari nang malayang ilabas ang mga ebidensiyang saklaw ng mga umiiral na batas sa privacy, confidentiality, witness protection, at iba pang proteksiyon sa sensitibong dokumento.