Nakakaranas ngayon ng masamang panahon ang ilang bahagi ng SOCCSKSARGEN dahil sa Southwest Monsoon o Habagat na nagdadala ng malakas hanggang paminsan-minsang matinding pag-ulan sa Sarangani Province.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha sa mga mababang lugar at pagguho ng lupa sa mga bulubunduking komunidad. Nasa ilalim ngayon ng Yellow Rainfall Warning ang mga bayan ng Glan, Maasim, Kiamba, Malapatan, at Maitum, habang nagpapatuloy ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Alabel at Malungon.
Dahil sa masamang panahon, nagpalabas din ng abiso ang lokal na pamahalaang panlalawigan ng Sultan Kudarat maging ang lungsod ng Glan sa Sarangani sa pagsuspende ng mga klase bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan.
Samantala, bumigay ang detour ng Aquino Bridge sa barangay Glan Padidu, Glan, Sarangani Province, na nakaapekto sa pagdaan ng mga sasakyan sa lugar. Patuloy namang pinapayuhan ang publiko na umiwas sa mga binahang lugar, maging mapagmatyag sa mga opisyal na abiso, at lumikas agad kung kinakailangan. | ulat ni Macel Mamon Dasalla | RP Davao

