Umabot na sa 2.9 milyong households ang nakatanggap ng tig-P2,000 cash assistance sa ilalim ng UPLIFT Assistance, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, na-credit na sa LANDBANK accounts at e-wallets ng 2.8 milyong Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries ang kanilang one-time financial assistance, habang nakatanggap na rin ng ayuda ang mahigit 13,000 benepisyaryo ng Walang Gutom Program.
Bukod dito, nasa 95,000 poor at near-poor households sa ilalim ng Group 2 ang nabigyan na rin ng kanilang cash assistance sa pamamagitan ng manual payout.
Patuloy pa rin ang isinasagawang manual payout para sa Group 2 beneficiaries, kung saan isinasabay na rin ang verification at pagpaparehistro ng kanilang napiling digital bank o e-wallet bilang paghahanda sa digital payout mula August hanggang December.
Samantala, sinabi ni Dumlao na posibleng ngayong linggo na rin simulan ng Social Security System (SSS) ang pag-credit ng UPLIFT Assistance para sa Group 3 beneficiaries, na binubuo ng mga kwalipikadong low-income earners.
Sa kabuuan, 7.5 milyong households ang target na makinabang sa UPLIFT Assistance na may P55-bilyong pondo.