Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa insidente sa pagitan ng pulisya at ilang photojournalist sa kasagsagan ng kilos-protesta sa Pasay City, kung saan ginaganap ang ASEAN Ministers’ Meeting.
Ayon sa NCRPO, ibabase ito sa due process at ebidensya, at ang mapapatunayang may pagkukulang o mga kilos na taliwas sa itinakdang operational procedures ay mahaharap sa administrative measures.
Pinaaalalahanan din ang lahat ng pulis na manatiling propesyonal, mahinahon, at pairalin ang maximum tolerance upang matiyak na napangangalagaan ang karapatan ng lahat, kabilang na ang media.
Una nang kinondena ng iba’t ibang organisasyon ng media ang umano’y harassment o panggigipit sa ilang photojournalist na ginagampanan lamang ang kanilang trabaho.
Nilinaw naman ng NCRPO na kinikilala ng pulisya ang papel ng media sa pagbibigay ng napapanahon at wastong impormasyon at iginagalang ang kalayaan nitong gampanan ang kanilang tungkulin nang ligtas.