Photo courtesy: U.S. Embassy in Riyadh
Patuloy na iniimbestigahan ng mga intelligence agency ng Estados Unidos ang posibleng naging papel ng Russia sa mga drone strike ng Iran na tumama sa ilang pasilidad ng Central Intelligence Agency (CIA) sa Gitnang Silangan.
Ayon sa ulat ng Reuters, pinaghihinalaang gumamit ang Iran ng mas pinahusay na Shahed drones na maaaring nilagyan ng Russian technology upang maging mas eksakto ang pag-atake.
Sinisiyasat din ng mga opisyal ng Amerika kung nagkaroon nang pagbabahagi ng targeting information mula sa Moscow.
Kabilang sa mga tinamaan ang pasilidad ng CIA sa embahada ng U.S. sa Riyadh, Saudi Arabia at isa pang lokasyon sa silangang Iraq.
Gayunman, iginiit ng mga opisyal na wala pang matibay na ebidensyang magpapatunay sa direktang pagkakasangkot ng Russia.
Sinabi rin ng mga ito na walang naitalang nasawi o nasugatan sa nasabing pag-atake.
Hindi pa rin naglalabas ng opisyal na pahayag ang CIA at iba pang sangay ng pamahalaan ng Estados Unidos.
Kaugnay nito, patuloy ang pangamba ng Washington sa lumalalim na ugnayang militar ng Russia at Iran na maaaring magdulot ng mas matinding tensyon at banta sa seguridad sa rehiyon.