Hindi pangungunahan ng Malacañang ang magiging tugon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kaugnay sa usapin ng pagbibigay otorisasyon na buksan ang tax records ni Vice President Sara Duterte.
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro makaraang pagbigyan ng Senate Impeachment Court ang hiling ng House prosecution panel na i-subpoena ang tax at bank records ng bise presidente.
“Ang provision na ‘yan at may mga korte po ngayon, isama na po natin ang CTA na hindi naman po nangangailangan ng permiso ng pangulo kapag sila ay magbubukas ng mga tax records kung patungkol po ito sa mga tax frauds o tax evasion. Ang usapin po na ‘to kung may malalabag, ito po ay speculative as of now at ang Pangulo naman at ang administrasyon na ito ay susunod lamang sa proseso at kung ano ang sinasabi ng batas.” —Castro
Kaunod na rin ito ng tanong kung magbibigay ba ng otorisasyon si Pangulong Marcos, sakaling hilingin ito ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza.
Ayon kay Castro, malinaw naman ang posisyon ng Pangulo na dapat pairalin ang proseso at kailangang naaayon sa batas ang ano mang hakbang.
Kaya naman giit ng Palasyo susunod lang si Pangulong Marcos sa proseso at sa kung ano ang itinatakda ng batas.
Ito’y lalo’t naipatupad na rin naman aniya ang ganitong proseso sa mga nakaraang impeachement trial.
“Sa ngayon ay hindi po natin masasabi kung ano po ang kategoryang sagot ng Pangulo but noon pa naman sinasabi ng Pangulo na sa lahat ng pagkakataon, tanging proseso lamang ang gagamitin at dapat na mabatay sa batas. Kung ito naman po ay naisagawa na at ito ang pinatupad nila sa mga nakaraang impeachment trial, ang Pangulo ay susunod lamang sa proseso.” —Castro