Pinagtibay ng Pilipinas ang pagtutok nito sa pagpapalakas ng maritime security at pagtugon sa mga umuusbong na banta sa seguridad sa pagbubukas ng ika-33 ASEAN Regional Forum (ARF), sa Maynila.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, bilang tagapangulo ng ARF, pagtutuunan ng Pilipinas ang pagpapalakas ng maritime cooperation at ang sama-samang pagtugon sa mga bagong hamon tulad ng cybercrime, online scams, at iba pang umuusbong na banta sa seguridad.
Binigyang-diin din ng kalihim, na ang kapayapaan at kaunlaran ng Asya-Pasipiko ay nakasalalay sa kaligtasan, katatagan, at pagpapanatili ng seguridad sa mga karagatan.
Aniya, mahalaga ang pagtutulungan ng mga bansa upang mapanatiling mapayapa, konektado, at napapangalagaan ang rehiyong pandagat, alinsunod sa international law.
Iginiit ng Pilipinas, na sa pamamagitan ng mas matibay na dayalogo at kooperasyon sa loob ng ASEAN Regional Forum, mas magiging handa ang rehiyon sa pagharap sa mga kasalukuyan at hinaharap na hamon sa seguridad habang pinananatili ang kapayapaan at katatagan sa Asya-Pasipiko.