Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na naging propesyonal ang mga pulis na naka-deploy sa isinagawang kilos-protesta malapit sa venue ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) meeting sa Pasay City.
Ito ay matapos ang nangyaring tangkang pag-aresto ng pulisya sa dalawang photojournalist na nagco-cover sa naturang aktibidad.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., patuloy na ipinatutupad ng PNP ang maximum tolerance sa bawat kilos-protesta o pagtitipon, at bukas sila sa anumang imbestigasyon kaugnay ng insidente.
Nanawagan din si Nartatez sa publiko at mga nagsasagawa ng kilos-protesta na igalang ang mga pulis na nasa tungkulin dahil sila ay tumutupad lamang sa kanilang mandato.
Ipinaliwanag ng PNP na binuwag ang kilos-protesta matapos magtipon ang mga nagra-rally sa isang lugar na hindi pinahihintulutan ang rally dahil sa presensya ng mga dayuhang delegado.
Bahagi anila ito ng responsibilidad ng bansa bilang host ng ASEAN 2026 na tiyakin ang seguridad ng mga delegado, habang aminado rin silang nahirapan ang mga pulis na agad matukoy ang pagkakaiba ng mga nagra-rally at iba pang grupo. | ulat ni Diane Lear