Mananatili muna sa kaniyang pwesto si Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. bilang legal spokesperson ng House prosecution panel sa gitna ng umiiral na impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.
Isinagawa ang pahayag kasunod ng naging payo ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero sa magkabilang panig na isaalang-alang ang pagkuha ng magkakahiwalay na trial spokespersons.
Sa online press conference, sinabi ni Tolosa na ginagalang at pinasasalamatan ng prosecution panel ang naging paalala ng presiding officer.
Nilinaw rin ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tonggol na ang sinabi ni Escudero ay isang paalala lamang at hindi babala laban sa mga tagapagsalita.
Binigyang-diin ni Tolosa na tinitiyak niyang hindi lumalabag sa sub judice rule o sa mga umiiral na alituntunin ng impeachment court ang lahat ng kaniyang pampublikong pahayag.
Gayunpaman, sinabi ng abogado na sakaling sumalang na siya mismo sa loob ng impeachment court upang humarap bilang bahagi ng paglilitis, posibleng bawasan o limitahan na niya ang kaniyang mga tungkulin bilang spokesperson upang maiwasan ang anumang conflict of interest. | ulat ni Melany Reyes