Nasa 71% ng mga Pilipino ang nagsabing ang batas at mga ebidensya ang dapat maging pangunahing batayan ng mga senador sa pagboto sa impeachment ni Vice President Sara Duterte batay sa pinakahuling Tugon ng Masa (TNM) Survey ng OCTA Research.
Lumabas din sa resulta ng survey na 21% ang nagsabing dapat isaalang-alang ang political considerations, habang 7% ang nagsabing hindi nila alam ang sagot at 1% ang tumangging sumagot.
Ayon sa OCTA Research, hindi sinusukat ng survey kung dapat bang mahatulan o mapawalang-sala ang Bise Presidente, pero inaalam nito kung ano ang inaasahan ng publiko sa integridad, pagiging patas, at pagiging lehitimo ng proseso ng impeachment.
Isinagawa ang face-to-face survey mula July 4 hanggang July 11, 2026 sa 1,200 adult Filipinos na may edad 18 pataas.
Mayroon itong ±3% margin of error sa 95% confidence level. | ulat ni Diane Lear