Nababahala ang National Bureau of Investigation (NBI) na kabilang na umano sa “norm” o normal ang pagpo-post ng mga death threat sa social media.
Sa isang panayam kay NBI Director Melvin Matibag, ang mga mapapanganib na banta na namo-monitor nila online ay naging seryosong alalalahanin na ng law enforcement authorities.
Tila nagiging normal na kasi ang death threats at ang karaniwang target pa nito ay ang mga high-ranking officials ng bansa.
Giit ni Matibag, maaari itong makaapekto ito sa kaligtasan ng publiko at pambansang seguridad.
Sinabi naman ito ni Matibag kasunod ng reklamo na inihain ni Senator Risa Hontiveros sa NBI laban sa daan-daang death threat posts tungkol sa kanya sa social media.
Nasa case build-up na ngayon ang NBI at may persons of interest na sa reklamo. Tiniyak naman ng NBI na magbabase sila sa ebidensya at dadaan sa masinsinang forensic at cybercrime analysis ang mga posts bago maghain ng kasong kriminal sa mga nasa likod nito.