Photo courtesy of Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC)
Bukod sa paghihigpit ng seguridad sa Metro Manila, mahigpit ding binabantayan ngayon ng mga awtoridad ang cyberspace laban sa anumang banta kaugnay ng isasagawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa darating na Lunes.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas, kinumpirma ni Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso na may mga online threats silang tinututukan kaugnay ng ikalimang SONA ng Pangulo. Aniya, tuloy-tuloy ang pagbabantay ng CICC sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon sa internet at iba’t ibang social media platform na maaaring makagambala sa pagdaraos ng SONA.
Samantala, hinikayat din ni Undersecretary Paraiso ang publiko na huwag mag-atubiling isumbong sa CICC ang anumang cybercrime at online scam sa pamamagitan ng pagtawag sa CICC Hotline 1326, at tiniyak na agad na tutugunan ang kanilang mga reklamo.