Isinailalim na sa pinakamataas na alerto ang buong Rehiyon 2 kasunod ng paglakas ng Bagyong Kiyapo.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Office of Civil Defense Region 2 Information Officer II Alvin P. Ayson, kinumpirma nitong opisyal na itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa lalawigan ng Batanes at sa mga hilagang bahagi ng mainland Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands.
Samantala, nananatili naman sa ilalim ng Signal No. 1 ang natitirang bahagi ng mainland Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino.
Sa kasalukuyan, nakararanas na ang mga naturang lugar ng tuloy-tuloy na katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan (moderate to heavy rainfall) na nagsimula pa kaninang madaling-araw.
Nagbabala si Ayson na lubhang mapanganib ngayon ang sitwasyon sa mga baybaying-dagat at mga bulubunduking lugar dahil sa banta ng flash floods at mudslides.
Tiniyak ng OCD Region 2 na plantsado na ang “pre-emptive measures” at nakabukas na ang mga evacuation center sa mga estratehikong lugar.
Naka-deploy na ang 847 DPWH personnel, bitbit ang mga heavy equipment upang agad na linisin ang mga kalsadang posibleng maharangan ng landslide.
Nakapag-preposition na ang DSWD ng libu-libong family food packs na ipinamahagi na sa limang probinsya ng rehiyon, at nakaantabay at “on-call” na ang pinagsanib na puwersa ng Philippine Army, Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at MBCOI.
Upang maiwasan ang pagkaputol ng linya ng komunikasyon, naka-standby na ang Department of Information and Communications Technology (DICT). Mayroon ding libreng Wi-Fi na magagamit sa evacuation sites.
Opisyal na ring ipinatupad ang sea travel ban o suspensyon sa paglalayag ng anumang sasakyang pandagat, gayundin ang kanselasyon ng klase sa lahat ng antas sa mga deklaradong lugar na nasa ilalim ng Signal No. 2.