Tiniyak ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na ang lahat ng bahagi ng itatayong Pax Silica project sa New Clark City, Capas, Tarlac ay ganap na nakatupad at sumusunod sa mga batas ng Pilipinas at pamantayang pandaigdigan.
Sa isang press briefing sa Malacañang, ipinahayag ni BCDA President at Chief Executive Officer Joshua Bingcang na higit 30 bansa na ang nagpahayag ng interes na sumali sa proyektong pinalalakas ng Estados Unidos. Kasalukuyan nang sinusuri ng mga opisyal ng mga naturang bansa ang mga detalye, kahilingan, at kaugnay na regulasyon ng proyekto.
Inilaan ang humigit-kumulang 1,600 ektarya sa hilagang bahagi ng New Clark City upang maging isang pandaigdigang hub sa supply chain ng artificial intelligence (AI), semiconductors, at rare earth minerals.
Ani Bingcang, ang inisyatibong ito ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng Pangulo ay magbibigay ng matibay na balangkas, katatagan, at “predictability” para sa mga mamumuhunan. Titiyakin aniya na ang buong pasilidad ay compliant sa mga pambansa at internasyonal na regulasyon, pati na rin sa Environmental, Social, and Governance (ESG) goals.
Nilinaw din ng pamunuan ng BCDA na humigit-kumulang 40 porsiyento ng nakatalagang lugar para sa pagmamanupaktura ay mananatiling “open spaces” o luntiang espasyo. Layunin nitong mapanatili ang balanse sa kapaligiran para sa kapakanan ng mga manggagawa at ng mismong pasilidad.
‘Brain Gain’ at Dagdag-Trabaho para sa mga Pilipino
Inaasahang magdudulot ng malaking improvement sa sektor ng paggawa ang Pax Silica sa paglikha ng humigit-kumulang 130,000 hanggang 190,000 na direktang trabaho para sa mga lokal na mamamayan.
Bagama’t magkakaroon ng mga dayuhang manggagawa ang mga high-tech na kumpanyang magtatayo ng pasilidad, ipinaliwanag ni Bingcang na tinatayang 10 porsiyento lamang sila ng kabuuang workforce at karamihan ay nasa matataas na posisyon. Dahil dito, higit na mas malaking oportunidad ang magbubukas para sa mga Pilipino na magtrabaho sa sariling bansa sa halip na mangibang-bansa.
“Ang layunin natin, dahil alam po natin napakadaming talentong magagaling dito sa ating bansa, ay maging brain gain tayo ngayon imbes na brain drain,” pahayag ni Bingcang.
Timeline at Halaga sa Ekonomiya
Kasalukuyan nang isinasagawa ang mga feasibility study para sa kabuuang proyekto at sa mga iminumungkahing pasilidad para sa suplay ng kuryente.
Ayon sa BCDA, nagpapatuloy na ang mga paunang talakayan ngayong taon. Nakatakda namang isagawa sa susunod na taon ang pag-aaral sa katatagan ng lupa laban sa mga natural na kalamidad tulad ng lindol at pagbaha, na tatagal ng humigit-kumulang isang taon.
Inaasahang malalagdaan ang pormal na kasunduan ngayong taon, habang ang mismong site development ay nakatakdang magsimula sa 2028.
“Bale ang mangyari po, this year is the contract negotiation, next year is the planning stage, and then by 2028, puwede na po tayong mag-construct po,” paliwanag ng opisyal.
Kapag ganap nang maipatupad, inaasahang magpapalakas ito sa sektor ng electronics at magpapataas ng halaga ng exports ng bansa sa USD 40 bilyon hanggang USD 70 bilyon—na katumbas ng halos 10 porsiyento ng taunang domestic economy output ng Pilipinas.