Nagtapos ang High-Level Conference ng Treaty of Amity and Cooperation o TAC sa Maynila sa panawagang palakasin ang dayalogo, pagtitiwala, at kooperasyon sa gitna ng lumalalang tensyon at mga bagong banta sa seguridad sa buong mundo.
Sa closing plenary, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro na napatunayan ng pagpupulong na nananatiling mahalaga ang pag-uusap sa pagitan ng mga bansa at posible pa ring makamit ang pagtutulungan kahit tumitindi ang geopolitical competition.
Sa kaganapan, binigyang-diin ni European Union High Representative and Vice President Kaja Kallas ang papel ng edukasyon at kababaihan sa pag-iwas sa hidwaan at pagtataguyod ng pangmatagalang kapayapaan.
Iginiit naman ni Singapore Foreign Minister Vivian Balakrishnan na ang UNCLOS ang nananatiling pundasyon ng kaayusan sa karagatan at mahalaga sa seguridad ng pandaigdigang kalakalan. Samantala, sinabi ni Thailand Deputy Prime Minister at Foreign Minister Sihasak Phuangketkeow na nananatiling buhay at makabuluhan ang mga prinsipyo ng TAC sa pagharap sa mga hamon tulad ng artificial intelligence, cybercrime, at climate change.
Binigyang-diin din ni Lazaro na ang tunay na sukatan ng tagumpay ng kumperensya ay ang pagsasalin ng mga napagkasunduan tungo sa kongkretong kooperasyon. Aniya, mananatiling mahalagang gabay ang TAC sa pagsusulong ng kapayapaan, katatagan, at maayos na ugnayan ng mga bansa sa susunod pang mga dekada.