Mariing tinutulan ng House prosecution panel ang iginigiit ng depensa na isang “discredited witness” o walang kredibilidad na testigo ang dating police officer na si Arturo Lascañas.
Ayon kay Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., malinaw na ipinaliwanag ni Lascañas sa kaniyang sworn affidavit ang mga dahilan kung bakit niya binawi ang kaniyang naunang testimonya noong 2016 Senate inquiry.
Sinuportahan din ni Tolosa ang naging pahayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa Senate Impeachment Court na ang pagbawi ng salaysay (recantation) ng isang testigo ay hindi awtomatikong nag-aalis sa kaniyang kredibilidad.
Batay sa affidavit ni Lascañas, itinanggi niya ang tungkol sa DDS noong October 2016 dahil diumano’y tinuruan o inatasan siya ng ilang matataas na opisyal, kabilang sina noo’y Philippine National Police (PNP) Chief at ngayo’y Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Sen. Alan Peter Cayetano.
Gayunman, nagpasya siyang isiwalat ang katotohanan kalaunan dahil sa banta sa kaniyang buhay at sa pag-uusig ng kaniyang konsensiya.
Nilinaw naman ni Tolosa na hindi iniharap ng prosekusyon ang affidavit upang patunayang totoo ang lahat ng nakasaad ditong alegasyon, kundi upang ipaliwanag ang mga naging batayan ng NBI.