Ang video ay ibinahagi sa social media account ni Senator-Judge Pia Cayetano.
Nanawagan ang House prosecution panel sa publiko at sa mga miyembro ng Senado na tiyaking buo at walang bawas na impormasyon ang makararating sa publiko kasunod ng pagkalat ng umano’y manipulado o spliced na video ukol sa ginagawang impeachment trial sa Senado.
Sa isang inilabas na pahayag ni House Prosecution Spokesperson at Adviser Robert Ace Barbers, iginiit niya ang kahalagahan ng pagpapanatili ng integridad ng proseso upang hindi malito ang taumbayan sa mga lumalabas sa social media.
Sinabi ni Barbers na iginagalang niya ang posisyon ng bawat miyembro ng Senate Impeachment Court, kabilang si Senator-Judge Pia Cayetano, ngunit nakiusap na tulungan ang publiko na maunawaan ang buong konteksto ng mga kaganapan.
Pormal ding umapela si Barbers kina Senator-Judge Pia Cayetano at Senator-Judge Alan Peter Cayetano na magsalita upang ilahad ang totoong nangyari sa gitna ng pagkalat ng naturang video.