Photo courtesy of COMELEC
Isinasagawa ngayong araw ang plebisito sa Parañaque City para sa ratipikasyon ng City Ordinance No. 2023-19, na magpapasya kung palalawakin ang hangganan ng limang barangay gamit ang mga reclaimed na lupa sa lungsod.
Personal na nag-inspeksyon kaninag umaga si COMELEC Chairman George Erwin Garcia, kasama ang iba pang opisyal ng Komisyon, sa ilang polling places kabilang ang Tambo Elementary School, Parañaque Elementary School, Parañaque City Jail, SM City Sucat, at Parañaque National High School.
Layunin ng pagbisita na tiyakin ang maayos, mapayapa, at ligtas na takbo ng botohan, gayundin ang kahandaan ng mga election personnel. Saklaw ng plebisito ang mga barangay ng Baclaran, Tambo, Don Galo, La Huerta, at San Dionisio, kung saan sasagutin ng mga botante ang tanong sa balota ng “Yes/Oo” o “No/Hindi” kaugnay ng ipinanukalang pagpapalawak ng kanilang teritoryo.
Bukas ang mga polling precinct hanggang 3:00 ng hapon, at muling hinihikayat ng COMELEC ang lahat ng kwalipikadong botante sa mga apektadong barangay na gamitin ang kanilang karapatang bumoto at makilahok sa plebisito.
Isasagawa naman ang canvassing matapos nito sa Parañaque City Gymnasium.