Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na isang-daang porsiyento nang tapos ang tunnel ng Metro Manila Subway Project (MMSP), mula sa Valenzuela hanggang Quirino Avenue Station at mula North Avenue hanggang Tandang Sora.
Ito ang inihayag ni Transportation Secretary Giovanni Lopez sa panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon.
Kaugnay pa rin ito ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bilisan ang konstruksyon ng subway para maramdaman na ng mga pasahero ang ligtas at komportableng biyahe.
“Ang overall status ng ating subway ngayon is around 60%. Ngayon po ang maaasahan natin by 2028, bago matapos ang termino ng ating Pangulo, at least from Valenzuela hanggang Quirino Station, ayan po, makaaasa tayo na makikita natin ang demonstration run,” dagdag ng Kalihim.
Oras na matapos ang Metro Manila Subway Project, malaking oras at gastos ang matitipid ng mga Pilipino. Kapag nakumpleto na ang proyekto, 519,000 pasahero ang makikinabang araw-araw, at ang dating isa’t kalahating oras na biyahe mula Valenzuela City patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay magiging 41 minuto na lamang.
“‘Yung tunnel natin dyan [Valenzuela hanggang Quirino Avenue Station] tapos na po ‘yan. Ganun din po ang sitwasyon natin sa North Avenue all the way sa Tandang Sora. So anong ibig sabihin dito, binibigyan po talaga ng halaga, ng importansya ng administrasyon na pabilisin ang mga ganitong malalaking proyekto,” ani Secretary Lopez.
Bukod pa ito sa inaasahang positibong epekto ng Metro Manila Subway Project sa ekonomiya ng bansa.