Hindi hadlang ang kapansanan sa pagpapakita ng talento.
Ito ang mensahe ng natatanging art exhibit sa Hospicio de San Jose sa Maynila na pinamagatang “Sining na Walang Hadlang,” bilang bahagi ng pagtatapos ng pagdiriwang ng 48th National Disability Rights Week nitong Sabado (July 25).
Tampok dito ang mga painting ng mga batang may kapansanan, kabilang nga ilang likha ng mga kabataang bulag, na talaga namang hinangaan.
Isinagawa ito ng Art Jam Manila, na grupo ng mga volunteer artist na tumutulong sa mga kabataan na mahubog ang kanilang artistic talents sa pamamagitan ng kanilang isinasagawang libreng art classes.
Ayon kay Art Jam Manila Ambassador Joseph Duyan, ang Sining na Walang Hadlang exhibit ay pagdiriwang ng espesyal na mga talentong ipinagkaloob ng Maykapal sa bawat isa sa atin, kabilang ang mga kababayan nating may kapansanan.
Nakiisa rin sa exhibit si Manila Vice Mayor Chi Atienza, na nagdiriwang ng kanyang kaarawan ngayong araw lingo (July 26), bilang paghahayag ng kanyang buong pagsuporta at ng Manila City government sa sektor ng mga persons with disabilities.
Para sa mga nais sumali sa Art Jam Manila, magtungo lamang sa kanilang Facebook page para sa detalye.