Photo courtesy of DPWH Bicol
Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region V ang pagtatayo ng dalawang-palapag na anim na silid-aralang solar-powered school building sa Ogob Elementary School sa Malinao, Albay. Ang proyektong nagkakahalaga ng ₱35.7 milyon ay layong mapabuti ang kalidad ng edukasyon at matugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan sa lugar.
Ayon kay Ogob Elementary School Principal Larry Primacera, malaking tulong ang bagong gusali sa paaralan dahil nalutas nito ang matagal nang problema sa kakulangan ng mga silid-aralan. Aniya, magkakaroon na ng mas ligtas, mas komportable, at mas angkop na kapaligiran sa pag-aaral ang mga mag-aaral at guro.
Batay sa ulat ni DPWH Albay 1st District Engineer Rainero A. Zerda, ang bagong pasilidad ay may anim na maluluwag na silid-aralan na may tig-63 square meters na lawak, faculty room, opisina, storage at workspace, solar power system, Fire Detection and Alarm System (FDAS), fire exit stairs, water storage tank, at PWD-accessible sanitary facilities upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga gumagamit nito.
Bukod sa pagsisilbing modernong pasilidad para sa edukasyon, magsisilbi rin ang gusali bilang evacuation center ng komunidad sa panahon ng kalamidad gaya ng bagyo.
Ang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng 2024 Basic Education Facilities Fund (BEFF) ng Department of Education at bahagi ng Build Better More Program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong palakasin ang imprastraktura sa edukasyon at gawing mas matatag at ligtas ang mga komunidad sa buong bansa.