Itataas ng National Food Authority (NFA) sa P 21 kada kilo ang minimum buying price ng palay ngayong wet season, mula sa kasalukuyang P17 kada kilo.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, layunin ng hakbang na matulungan ang mga magsasaka at mapalakas ang suplay ng bigas sa bansa.
Bahagi ito ng programa ng ahensya upang mapalawak ang pagbili ng palay at mapanatili ang sapat na rice buffer stock, lalo na sa gitna ng banta ng El Niño at iba pang kalamidad.
Noong 2024, nakabili ang NFA ng 443,620 metric tons ng palay mula sa 60,612 magsasaka, habang umabot naman sa 420,013 metric tons ang procurement nito noong 2025 mula sa 72,776 magsasaka.
Samantala, umabot sa 460,731 metric tons ang rice buffer stock ng bansa noong November 2025 matapos palawakin ng NFA ang kapasidad nito sa imbakan sa pamamagitan ng mga bodega at modernong pasilidad.
Binigyang-diin ni Lacson na mahalaga ang malaking imbentaryo ng bigas upang mabilis na makatugon ang pamahalaan sa panahon ng bagyo, pagbaha, lindol, at iba pang emergency.