Nanaig ang “Yes” vote sa isinagawang plebisito para sa ratipikasyon ng City Ordinance No. 2023-19, ang ordinansang nagtatakda ng bagong territorial boundaries ng limang barangay sa Lungsod ng Parañaque.
Batay sa Certificate of Canvass of Votes ng Commission on Elections (COMELEC), nakakuha ang panig na “Yes” ng 11,597 boto, habang 2,254 naman ang bumoto ng “No.” Sa kabuuang 79,251 rehistradong botante, 13,873 ang aktuwal na nakilahok sa plebisito na isinagawa noong Hulyo 25.
Layunin ng ordinansa na baguhin ang umiiral na hangganan ng mga barangay ng Baclaran, Tambo, Don Galo, La Huerta, at San Dionisio upang maisama at maipamahagi ang mga reclaimed na lupa at mapalawak ang kani-kanilang nasasakupan.
Dahil sa naging resulta ng botohan, pormal nang naratipikahan ang City Ordinance No. 2023-19, na magsisilbing batayan sa bagong hangganan ng limang barangay sa Parañaque City.