Kinundena ng Quezon City Government ang pamamaril ng isang tauhan ng Task Force Disiplina na ikinasawi ng tatlong indibidwal kabilang ang isang menor de edad, sa Barangay Batasan Hills.
Sa isang pahayag, nagpaabot na rin ng pakikiramay ang pamahalaang lungsod sa pamilya ng mga biktima at tiniyak ang tulong para sa kanila.
Kaugnay nito, tinanggal na sa serbisyo ang suspek, at nasa kustodiya na ito ng mga otoridad maging ang paltik na ginamit sa krimen. Paglilinaw rin na walang baril na iniisyu sa mga tauhan ng Task Force Disiplina.
Ayon sa QC LGU, tuloy-tuloy itong makikipagtulungan sa mga otoridad para harapin ng suspek ang buong bigat ng batas at makamit ang hustisya para sa mga biktima.
Kasabay nito, masusing susuriin din ang mga patakaran at proseso ng Task Force Disiplina partikular ang recruitment, screening, at pagsasanay ng mga tauhan.