Inabswelto ng Sandiganbayan si dating Health Secretary at ngayo’y House Deputy Speaker at Iloilo Representative Janette Garin sa mga kasong graft at technical malversation kaugnay ng kontrobersiya sa Dengvaxia vaccine noong 2015.
Sa desisyon ng Sandiganbayan Special Second Division, idineklarang not guilty si Garin sa mga kasong isinampa laban sa kaniya.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y ilegal na pagre-realign ng P3.5 Bilyon pondo mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund para ipambili ng Dengvaxia vaccines na ginamit sa school-based immunization program.
Inabswelto rin sa parehong kaso sina dating DOH Undersecretaries Gerardo Bayugo at Kenneth Hartigan-Go, Maria Joyce Ducusin, at dating Philippine Children’s Medical Center Executive Director Julius Lecciones.