Iginiit ng Korte Suprema na protektado ng konstitusyon ang mga pahayag ni Senador Vicente “Tito” Sotto III na kritikal sa mga desisyon ng korte, bilang bahagi ng karapatan sa malayang pananalita at pagpapahayag.
Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, ibinasura ng SC en banc ang petisyong humihiling na panagutin sa indirect contempt si Sotto.
Ayon sa korte, lalong mahalaga ang proteksiyon sa malayang pagpapahayag kapag ang tinatalakay ay mga usaping pampulitika.
Nag-ugat ang petisyon sa mga panayam at social media post ni Sotto na kumukuwestiyon sa desisyon ng Korte Suprema. Kabilang dito ang pahayag niyang hindi umano pamilyar ang ponenteng mahistrado sa mga tuntunin ng kongreso, at ang pag-aangkin na binago ng desisyon ang Konstitusyon.
Kaugnay ito ng naunang pagdeklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte dahil sa paglabag sa one-year bar rule sa paghahain ng mga impeachment complaint.
Inihain nina Atty. Manuelito de los Reyes Luna, Ferdinand Topacio at Harold Respicio ang petisyon dahil sa umano’y kawalan ng paggalang ni Sotto sa korte at sa posibilidad na mawala ang tiwala ng publiko sa hudikatura. Gayunman, binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi dapat gamitin ang kapangyarihan nitong magparusa sa indirect contempt upang patahimikin ang mga bumabatikos sa mga desisyon nito.
Dagdag pa ng korte, dapat manatiling malaya ang talakayan sa mahahalagang usaping pambansa, kabilang ang impeachment, nang walang takot sa parusa dahil lamang sa pagpuna sa mga desisyon ng hudikatura.